Salamin

Lagi na lang. 

Hindi ka ba nagsasawa? 

Hindi ka ba napapagod sa kakalinga? 

Lagi ka na lang nakatingin sa kanila. 

Minsan sinubukan mo na rin ba, 

Na tumingin sa salamin bago sa iba? 

Kaya hindi mo nakikita. 

Kaya akala mo laging kulang pa

Mapalad ka ngunit bulag sa mga biyaya

Huwag mong hanapin kung anong wala ka’t meron sila

Sapat at hindi salat, 

Ika’y maganda at karapat-dapat

Iba ka, walang katulad

Walang tutulad, Iba ka

Kaya’t kapag nagsawa’t napagod ka na, 

Sa paglinga’t pagsulyap sa kanila, 

Subukan mo sanang tumingin sa salamin

Subukan mo rin s’yang mahalin

Hanggang Dito

Hanggang dito na lang tayo,

‘Di aabot kahit sa pagitan ng hindi at oo;

Paano nga ba naman magkakatotoo?

Malabo namang mabigyan ng sagot ‘tong mga tanong ko;

Oo, hanggang dito na lang tayo

‘Di mo naman kasi rinig itong mga kamusta

Mga kaway ay ‘di rin nakikita

Kaya ngayo’y wala nang dahilan upang malito pa;

Hanggang dito na lang ako, sinasabi ko

Kahit walang dapat tapusin dahil wala ring inumpisahan 

Walang papakawalan dahil ‘di naman nahawakan

Hanggang dito na lang tayo

Walang siguro dahil tiyak na hihinto na dito

Ang ating kwento na tila nakaligtaan kaya walang dulo

Parang liriko na ‘di nalapatan ng melodiya’t ritmo

Hanggang dito lang tayo 

Parang aabot pero ‘di sakto; magkalapit ngunit malayo

Ako at Ikaw

Ako ang dagat,

Hahampas ng walang humpay;

Ikaw ang buhangin,

Walang tinag na maghihintay;

Ako ang dagat,

Ikaw ang buhangin:

‘Di magtatanong at ‘di susuko

Kahit sa t’wing magtatagpo,

Darating naman ang alon

Upang pigilan masaya sanang yugto;

Ako ang dagat,

Ikaw ang buhangin:

Tayo ang dalawang nangangako

‘Di makakaramdam ng pagkahapo

Sa gan’tong paulit-ulit na tagpo;

Ako ang dagat,

Ikaw ang buhangin:

‘Di natin matutuklas ang hiwaga,

Hindi mababatid ang tadhana;

Sa kabila’y sasabihin pa rin ang salita:

“Salamat” ito’y sa bibig magmumula,

Dahil minsa’y nagtagpo naman

Bagamat makaikli’t sukat lamang;

Minsa’y may ako’t ikaw,

Ako at Ikaw:

Tayong dagat at buhangin

Duyan

Sa ilalim ng tanglaw ng buwan sa kalangitan

Sa lalim ng gabi nagtatala ng bukas,

Mga bitui’y binibilang; dito sa kalayuan

Dito mula sa ating lumang duyan

Kung saan ako’y madalas kantahan

Nang mga awiting nakakapagpatahan;

Kung saan ako’y binabantayan

Habang himbing sa ‘yong kandungan;

Kung saan ako’y iyong minulat

Sa mundo’t mga karik’tan;

Kung saan ang pag-ibig at kasiyahan

Una kong nabigyan ng pangalan;

Kay sarap sanang uliti’t subukang pantayan

Yaong mga nakalipas at panahong nagdaan,

Ngunit naisin ma’y malayo nang balikan

Mga panahong may pares ng anino sa duyan;

Ngayon, sila’y alaala na lamang

Kaya’t hindi namamalayan pag-uunahan

Nitong maliliit na butil sa pisnging luhaan;

Mundo ko’t pag-inog nito’y natitigilan 

Dahil ang puwang na sa puso’y iniwan

Kirot ang pumupuno sa mga gabing lumiliban;

Tuloy sa pagtulog bulong na lamang

Doon sa mga bituing dating binibilang:

Sana, ikaw mula sa malayo’t bago mong tahanan, 

Lagi pa ring antabayan akong kapares mong iniwan;

Sa ilalim ng buwan may tanglaw sa kalangitan

Dito mula sa lumang duyan, ika nama’y pinagmamasdan

Sapat Na 

Di sinasadya o baka tadhana

Minsang pagsasama tila iniadya:

Isang tag-init tayo’y nagkita;

Hindi mapagtanto kung paano, 

‘Di rin mawari dahil bago,

Magmula noo’y isinilang 

Isang payak na paghanga

Sa munting puso ko;

Minsang pagtawag sa pangalan ko bigla

Ay naghatid ng lihim na sigla

Malakas na mga pintig, kaba

Mabuti’y naikubli pa

Di tuloy makatitig

Sa nangungusap mong mga mata

Di rin alam pano salubungin

Tamis ng iyong ngiting kakaiba

Kaya sa tuwina’y pasensya na

Sana’y ‘wag magtampo o mabwisit ka

Kung sa ating bihirang pagtatagpo

Madalas, ako’y umiiwas pa 

Nais kong alayan ka nitong tulang linikha

Ngunit ‘ wag mangamba

Ako nama’y hindi naghahangad ng sukling pagsinta

Sapat na ang ika’y nakilala;

Wala man sa loob ang magpaalam na,

Alam kong nalalapit na, paglao’y di na magkikita

Maikli man ang panahon ng ating naging pagsasama

Sa puso ko’y may puwang ka, 

Sapagka’t sa akin, sapat na

Di man nasambit; sa akin inspirasyon ka


(2014) 

HUGOT

Mga tinik na binalot at binaon

Kasama nang paglipas ng panahon

Umasang tuluyan ng maghihilom

Akala’y ganap nang nakuyom

 

Ang sugat palang ilinihim

Pagdurugo’y ‘di madaling pigilin

Sapagkat kapag nasaling

Magdurugo, dudugo pa rin

 

Pagpupumiglas ng damdamin

Hindi kailanman makikimkim;

Kasiping ng sugat na hindi rin,

Maisasantabi sa isang lilim

 

Ang tulang ito higit sa tugma,

Mga pinagsama-samang salita,

At ‘di mailalakip na luha

Maglalahad ng isang gunita

 

Gunita na oo’t nagdulot ng poot

At walang hambing na lungkot,

Gayon ma’y ‘di magawang malimot

Dahil masayang alaala s’ya ring sangkot

 

Ang kape mapait man sa panlasa

Sa umaga lagi pa ring timpla

Dahil sabi mo ang pait maiinda

Kapag ang dalawa; tayo’y iisa

 

Ang mundong malawak

Hindi na kailangang libutin

Dahil mundo mo’y akin

Umiikot sa iyo ang akin rin

 

Mga gabing matanglaw,

Binigyan natin ng ilaw

Sa ilalim ng buwan sabay isinigaw

Ako, ikaw; Ako at ikaw

 

Mga pangarap na hinabi

Kasingkulay ng bahaghari;

Hanggang dulo tayo’y mananatili,

Iyan ang sumpang pinili

 

Kaya’t bakit at paano,

Nagbagong mga pangako?

Bakit at paano,

Napagod ang iyong puso?

 

Bakit at paano,

Nagawang pag-ibig ay isuko?

Bakit at paano,

Unti-unti’y ang ‘tayo’ naging ‘ako’?

 

Mga tanong na naipon

Kasama ang tinik pilit binaon;

Umukit ng sugat paglaon

Umasang ganoon maghihilom

 

Itong sugat na ilinihim

Sakit ay ‘di na kayang pigilin

‘Pagkat ngayong nasasaling,

Nagdurugo, dudugo pa rin

 

Kailan lubos mahihinuha?

Dahilan ng iyong magkawala

Bakit ang damdaming itinaya

Pakiramdam ko’y dinaya?

 

Itong pag-ibig hindi isang laro

Aayawan kapag napagod ka;

Hindi tulad ng isang kwento

Madaling tuldukan kapag wakas na

 

Malayo sa palabas na linikha,

Libangan tuwing walang magawa;

Hindi kaparang ang damdamin

Ng basurang tinapon mo rin

 

Ngayon, ika’y ‘di na hahabulin

Upang sabihing magbalik sa ‘kin;

‘Pagkat ako’y tapos na rin

Tulang ito ang saksi’t didiin

 

Tinik na binalot at binaon

Sugat ang inukit ng kahapon

Malalim, mahirap ungkatin

Ngunit ngayon ito’y ‘di na ‘sang lihim

 

Pagdurugo ‘di na rin pipigilin

Upang kapag ang sugat nasaling

‘Di na muling magdurugo;

Bukas, maghihilom rin