Huli na, Dapat pala

​Dapat pala sinabi ko noon pa

Bago tayo tumungo sa magkaiba nating ruta, 

Bago ang ngayon kung kailan tapos na 

At ang natitira’y kupas na lamang na alaala, 

Kung kailan wala nang magagawa, 

At maging ang hiyaw ay ‘di na maririnig pa;

Dapat noon naglakas loob at tinanong kita

Kung ako sa puso mo ay malapit na ba

Disin sana’ y lumaban pa ako sinta

Na dapat ang pagbitaw ay ‘di ko ginawa

Dapat sana’ y ako at hindi s’ya;

Na dapat hindi ako ngayon tumutula

Mabawasan lamang ‘tong sakit na iniinda

Dapat wala itong mga salita

Na ‘dapat pala’; Ngunit huli na

Salamin

Lagi na lang. 

Hindi ka ba nagsasawa? 

Hindi ka ba napapagod sa kakalinga? 

Lagi ka na lang nakatingin sa kanila. 

Minsan sinubukan mo na rin ba, 

Na tumingin sa salamin bago sa iba? 

Kaya hindi mo nakikita. 

Kaya akala mo laging kulang pa

Mapalad ka ngunit bulag sa mga biyaya

Huwag mong hanapin kung anong wala ka’t meron sila

Sapat at hindi salat, 

Ika’y maganda at karapat-dapat

Iba ka, walang katulad

Walang tutulad, Iba ka

Kaya’t kapag nagsawa’t napagod ka na, 

Sa paglinga’t pagsulyap sa kanila, 

Subukan mo sanang tumingin sa salamin

Subukan mo rin s’yang mahalin

Tula

Nais kong sumulat ng isang tula 

Na ang laman ay kwento nating dal’wa 

Maghahayag kung paano tayo nagsimula

At kung saan tayo nagpasyang pumunta

Salaysay ng ‘di mabilang na pagkabigo

Maging ang ilang ulit na’ di pagsuko

Maaaring nakakaiyak o nakakatuwa

Dito’y itatala ang mga alaala 

Na gugustuhin mong minsang balikan pa 

Ipapaalala ang anumang nakaligtaan 

Tugmang mga salita ang magbibigay daan 

Tulang nakapaloob ay mga pangako

At sumpang ‘di magkakalayo

Tula na pupuno sa mga puwang ng pahina 

Magiging kasing ganda ng takipsilim at umaga 

Ito ang tulang aking ihahanda

May ikaw at ako sa bawat linya

Hanggang Dito

Hanggang dito na lang tayo,

‘Di aabot kahit sa pagitan ng hindi at oo;

Paano nga ba naman magkakatotoo?

Malabo namang mabigyan ng sagot ‘tong mga tanong ko;

Oo, hanggang dito na lang tayo

‘Di mo naman kasi rinig itong mga kamusta

Mga kaway ay ‘di rin nakikita

Kaya ngayo’y wala nang dahilan upang malito pa;

Hanggang dito na lang ako, sinasabi ko

Kahit walang dapat tapusin dahil wala ring inumpisahan 

Walang papakawalan dahil ‘di naman nahawakan

Hanggang dito na lang tayo

Walang siguro dahil tiyak na hihinto na dito

Ang ating kwento na tila nakaligtaan kaya walang dulo

Parang liriko na ‘di nalapatan ng melodiya’t ritmo

Hanggang dito lang tayo 

Parang aabot pero ‘di sakto; magkalapit ngunit malayo

Kwadro

Halika, masdan mong mga kwadro na sa dingding ay isinabit ko

Maganda’t makulay sabihin mo; ito’y sadyang linikha upang hangaan ninyo

Babala’ y mag-ingat lamang, sadyang maraming palabas ang nakalilinlang

Subukan mong tagusin, bawat linya ay suriin, at mula dito’y tuklasin ang mga lihim;

Mga lihim mula sa mga kwadrong inaalis pagkatapos tumiklop ng pinto

Upang ang ganda’t kulay ang makita; Upang itago ang maiitim na marka

Kanlungan ng mga lamat na gawa ng panaho’y lumago’t kumalat

Nananahan sa likod ng mga kwadro na lagi’t lagi na’y isinasabit ko

Ako at Ikaw

Ako ang dagat,

Hahampas ng walang humpay;

Ikaw ang buhangin,

Walang tinag na maghihintay;

Ako ang dagat,

Ikaw ang buhangin:

‘Di magtatanong at ‘di susuko

Kahit sa t’wing magtatagpo,

Darating naman ang alon

Upang pigilan masaya sanang yugto;

Ako ang dagat,

Ikaw ang buhangin:

Tayo ang dalawang nangangako

‘Di makakaramdam ng pagkahapo

Sa gan’tong paulit-ulit na tagpo;

Ako ang dagat,

Ikaw ang buhangin:

‘Di natin matutuklas ang hiwaga,

Hindi mababatid ang tadhana;

Sa kabila’y sasabihin pa rin ang salita:

“Salamat” ito’y sa bibig magmumula,

Dahil minsa’y nagtagpo naman

Bagamat makaikli’t sukat lamang;

Minsa’y may ako’t ikaw,

Ako at Ikaw:

Tayong dagat at buhangin