#tula, Filipino, Filipino Poetry, hero, Random Thoughts, Uncategorized

Bayani? 

Para sa mga bayani ng makabagong panahon;

Hindi lahat nagtangan ng patalim at bomba;

Namatay sa paggarote, o kinitil ng gyera,

Ang marami nangingibang bayan,

At doon araw-araw kung sila’y makipaglaban

(Photo: Labanan sa Binakayan, displayed inside the house of former President Emilio Aguinaldo in Kawit, Cavite.)

Advertisements
#tula, Filipino, Filipino Poetry, Random Thoughts

Ulan

Madilim ang langit,

Ang mga ulap tila nagngingitngit;
Maliliit noong umpisa,
Hanggang mga patak ay naging matataba;

Sa silong muna’y huminto dahil napagtanto

Ang payong pala’y nakaligtaan;

Hala, mahuhuli na sa pupuntahan

Mag-aantay na lamang siguro sa pagtila ng ulan,
Kaya’t sinimulang tumulala sa mga patak na nangag-uunahan,

Pinakinggan ang musikang tagaktak sa bubungan,

Hinayaang ang diwa ay malunod, dalhin kung saan

Isa, dalawa, tatlo, sampung minuto ang lumiban,

Unti-unti ang langit ay tumahan

Ang araw muling sumikat na

Magpapatuloy na muli; kaya’t napangiti

Tulad ng langit nang kanyang iguhit ang bahaghari

#life, Filipino, Random Thoughts, Uncategorized

Kahapon

Kahapon lang doon sa kalsada ay madalas maglaro’t maghabulan. Maliliit pa tayo. Mas matangkad pa nga si Fita. Si Fita yung asong sinunod natin ang pangalan sa biskwit. Nakita niya siguro kung gaano tayo kalikot noon. Kung paano magtakbuhan ang tulad nating makukulit at kung gaano kalaki ang nagagawang hakbang ng biyas nating maliliit habang lumalapat ang amoy ng araw at namumuong pawis sa ating mga damit.
Kahapon lang nang ang mga krayolang pinaglumaan ay ginagawa nating pangpinta sa dingding at mga pintuan. May kung anu-anong linya at hugis na hindi maunawaan. Mapapaisip ka tuloy kung tao nga ba o aso ang iyong tinitingnan. 😂 Mayroon pang asul na dahon at berdeng mga ulap. Mali ba? Pero ayos lang ‘yan dahil sa mga mata naman natin ito’y magaganda. Maya-maya ay darating si mama. Susubukan nating itago ang mga krayola. Magtatanong naman siya kung sino ang may likha ng ‘mural’ kuno na ating obra. Pero walang aamin kahit pa nga halata nama’t takot rin tayong mapalo sa puwet ng tig-iisa.
Kahapon lang gustong-gusto natin ang ulan. Kaya’t iyon, maghahabulan sa ilalim ng ulan at sasaluhin ang mga patak sa alulod ng bahay. Nasisiyahan din tayong humarap sa electric fan habang inaawit ang paborito nating mga kanta. Akala yata natin ay nakakaganda ng boses ang paglanghap ng hangin mula roon. Ewan ko ba.

Kahapon lang pinipilit ko kayong maglaro ng manika at bahay-bahayan kapag napagod na sa laro ninyong habulan. Napipilitan naman kayo pagkatapos kong sabihing may kumukuha ng mga bata’t isinasakay sa puting van kaya mas maiging maglaro nalang tayo sa loob ng bahay-bahayan o ng lutu-lutuan. Ganoon talaga bes, para-paraan.

Kahapon lang nang tinuruan ninyo akong magbisikleta. Kayo ang tagasalo kahit ilang ulit pang matumba. Takot ako noong una, pero tulad ng sabi ninyo kaya ko rin pala. Kaya naman noong matuto, yumabang ako. Minsan sinubukan kong hawakan ang manibela gamit ang isang kamay kaya muntik nang madigrasya kung ‘di lang doon sa damuhan ako napunta. Kaya pinalad man mula sa mga galos, hindi naman sa marami ninyong tawa’ t pang-aalaska.
Kahapon lang nang sabay-sabay tayong nag-aabang sa pag-uwi ni Papa. Basta’t bumukas na ang pinto ay mangag-uunahan na sa pagkuha ng tsinelas para iabot sa kanya. Siyempre walang magpapahuli sa pasalubong niyang dala. Kaya nga bungi rin tayo noong mga bata pa. At sa gabi habang sila’y naghahanda ng hapunan magtatago naman tayo sa ilalim ng mga kumot. Sinasadya nating patayin ang mga ilaw at doon magtatakutan at magkikilitian. Maya-maya ay maririnig natin: ‘Kakain na!’, pang-aalok ni mama. Kaya kahit madilim mag-uunahan tayo papunta sa kanya. Gusto kasi natin sa pagkain ay katabi siya.

Kahapon lang ginawa tayong iyakin ng ampalaya, okra at ng marami pa nilang kapangkat sa Go, Grow at Glow chart sa skwela. Buti na lang nakapagkubli si Fita sa ilalim ng mesa. (Alam na! 😄) Naging superhero natin siya bigla. “SuperFita!”, pwedeng-pwede na nating itawag sa kanya.
Kahapon lang. Parang kahapon lang. Ngayon wala na ang mahihinang tuhod at mga paslit na lampa. Tigasin na yata tayo, hindi ba?Ngayon hindi na tayo kasya doon sa dati nating kama’t masyado na itong luma para tayo’y magtalunan pa. Napaglumaan na rin ang pinakauna ninyong bisikleta. Wala na si Fita na dati nating kalaro doon sa kalsada. Ngunit naging mabilis man ang paglipas ang mga taon at hindi natin ito nagawang mamalayan, ang mga alaalang iyon ay nakakapagbigay pa rin ng ngiti. Naging malayo man ang kahapon, hanggang ngayon tayo pa rin ang makakasama. Tayo pa rin ang hindi matitibag na tropa!